Susuriin sa bahaging ito ang ambag
ng Linggwistiks sa lipunang Pilipino sa loob ng 100 taon (mula 1898 hanggang
1998). Tatalakayin dito ang iba't-ibang pag-aaral sa iba't-ibang wika sa
Pilipinas upang: (1) lalong mapalawak ang kaalaman ng mga Pilipinong mag-aaral
tungkol sa mga wikang ito na siyang indikasyon ng mayaman nating kultura;
(2) mapahalagahan nila hindi lamang ang kani-kanilang mga wika, kundi maging
ang mga wika ng iba --kabilang na rito ang mga maynor na wika sa Pilipinas;
at (3) sa pamamagitan ng kaalamang ito ay mapatingkad ang pananaw at respeto
sa iba't-ibang kultura at mapabuti ang relasyon ng iba't-ibang etnolinggwistikong
grupo sa Pilipinas. Bagamat hindi kumpleto ang listahang ito, sapat na
ito upang matugunan ang mga layunin na ibinigay.
Ang usaping wikang pambansa ay mahalaga
para sa bawa't Pilipino. Tinatalakay ito sa huling parte ng bahaging ito.
Mga Pag-aaral sa mga Wika
sa Pilipinas
Ang mga pag-aaral sa mga wika sa Pilipinas
ay maaring hatiin sa peryodisasyong (a) 1565 -1898 --mahigit na 300 taon,
bago natin nakamtan ang kalayaan-- at (b) 1898-1998, isang daang taon pagkatapos
nating matamo ang ating kalayaan. Layunin ng pag-aaral na ito ang pagsuri
sa katayuan at ambag ng linggwistiks sa lipunang Pilipino sa loob ng dantaong
ito.
Mga Pag-aaral
Panahon ng mga Kastila (1565-1898)
Karamihan sa mga naunang pag-aaral
sa mga wika sa Pilipinas ay ginawa ng mga prayle upang magampanan ang kanilang
misyon na gawing Kristiyano ang mga tao sa Pilipinas. Kaya hindi nakapagtataka
na ang unang publikasyon ay ang Doctrina Cristiana sa wikang Tagalog
-na nalimbag noong 1593 - at iba pang mga babasahin na may kaugnayan sa
misa at sa pananampalataya at katesismo. Sila ay nagpalabas rin ng mga
diksyunario, mga libro sa gramatika ng mga wika na kanilang pinag-aralan.
Marami ang pag-aaral na nagawa sa
wikang Tagalog. Sa pagitan ng mga taong 1593 at 1648, may mga 24 na libro
na ang nalimbag sa wikang Tagalog; lima sa Bisaya; tatlo sa Pampango, dalawa
sa Bikol; at isa sa Ilokano. Ang unang libro sa Pangasinense ay nalimbag
sa taong 1689.
Marami pang mga libro sa gramatika,
bokabularyo, at iba pang babasahin at pag-aaral ang nalimbag pagkatapos
nito dahil sa pagkakaroon ng imprenta sa apat na orden ng mga prayle na
itinalaga sa iba’t ibang parte ng Pilipinas batay sa hatian sa Pilipinas
noong taong 1594. Ang Dominican na itinalaga sa Pangasinan at Cagayan ay
nagkaroon ng sariling imprenta sa 1593, ang mga Franciscan naman sa Camarines
ay nagkaroon nito noong 1606, ang mga Heswita na siyang kahati sa mga Agustinian
sa kapuluan ng Bisaya ay nakapagtatag nito sa 1610, at ang mga Agustinian
na siya ring may hawak sa Ilocos at Pampanga may imprenta na sa 1618.
Si Juan de Plasencia, na sakop sa
ordeng Franciscan, ay inatasang gumawa ng gramatika, diksyunaryo at katesismo
sa Tagalog sa taong 1580. Katulong niya dito si Miguel de Talavera, isang
Kastila na nanirahan sa Pilipinas. Naging pari din si Talavera. Pinaniniwalaang
ang Doctrina Cristiana na nalimbag sa 1593 ay nanggaling sa katesismong
ginawa niya at inihanda para sa imprenta ni Fra Juan de Oliver. Si Oliver
ay siya ring sumulat sa Doctrina Cristiana sa Bikol.
Sina Francisco Lopez at Pedro de la
Cruz Avila ay mga Agustinian na gumawa ng gramatika at diksyonaryo ng Ilokano.
Ang mga prayleng Dominican na sina Ambrosio Martinez de la Madre de Dios,
Jacinto Pardo at Jose Bugarin ang gumawa ng gramatika at diksyonaryo ng
Ibanag.
Ang mga pag-aaral sa gramatika at
bokabularyo ng Bisaya ay pinangungunahan nina Francisco Encina, Alonso
de Mentrida, Julian Martin, Juan Felix de la Encarnacion at iba pang mga
Agustinian; at ang mga Heswitang sina Cristobal Jimenez, Pedro Oriol, Mateo
Sanchez, Juan Antonio Campeon, atbp. Ang mga katesismo, gramatika, mga
sermon, at diksyonaryo ng Pampango ay naisagawa naman ng mga prayleng Agustino
tulad nina Diego de Ochao, Francisco Coronel, Juan de Medina, atbp.
Ang iba pang mga pag-aaral na nagawa
sa panahong ito ay ang sumusunod: (a) circa 1500 -Pangasinan dictionary
(Castellano),
Arte,
vocabulario y confesionario Pampango (Ochoa),
Arte y vocabulario
Tagalo at Diccionario Hispano-Tagalog (Plasencia),
Arte y
vocabulario Tagala (Quiñones), Diccionario Tagalog-Español
(Oliver); (b) circa 1600 -Vocabulario Ilocano (Avila), Arte de
la lengua Igolata (Marin), Arte y diccionario de la lengua Ibanag
(Martinez
de la Madre de Dios), Diccionario del idioma Tagalog (Montes y Escamilla),
Vocabulario
de la lengua Tagala (San Buenaventura); (c) circa 1700 - Tesauro
de la lengua de Pangasinan, Vocabulario de la lengua Pampanga
(Bergaño),
Tesauro
vocabulario de la lengua Yloca y Castellano
(Caro), Vocabulario
de la lengua Tagala (Noceda),
Diccionario del dialecto Zambal (San
Damian), Vocabulario de la lengua Bisaya-Samar-Leyte
(Sanchez),
Vocabulario
de la lengua Tagala (Sanlucar), Diccionario del idioma de los Aetas
(Santa
Rosa), Diccionario Ilocano (Serrano),
Diccionario Castellano-Calamiano-Castellano
(Virgen de Monserrate),
Diccionario de la lengua Ibanag (Ynigues);
(d) circa 1800- mga diksyonario o bokabulario sa Batan-Castellano, Tiruray-Español
(Bencuchillo at Bennasar), Bisaya (Aparicio), Tagalo-Aleman (Blumentritt),
Visaya-Castellano (Monasterio), Ibanag-Español (Bugarin, Rodriguez),
Español-Ibanag (Payo), Vocabulario Ibanag (Gayacao), Iloco-Español
(Carro), Iloco-Castellano (Inderias y Viso), Isinay-Español (Vasquez),
Pangasinan-Español (Cosgaya, Villanueva), Castellano-Pangasinan
(Macaraeg), English-Sulu-Malay (Cowie), Tagalo-Castellano (Fernandez Luciano,
Martin), Hispano-Tagalog (Serrano Laktaw), Español-Panayano
(Gayacao), Bagobo-Español-Bagobo (Gisbert), Sulu at Malay (Haynes),),
Magindanao-Español (Juanmarti), Bikol (Lisboa, Perfecto), Gaddana
(Sierra), German-Bontoc-Banaue-Lepanto-Ilocano (Schadenberg).
Ang binigay sa itaas ay iilan lamang
sa mga sinulat ng mga prayle sa panahong ito. Ang mas kompletong bibliograpiya
ay isinulat ni Jack Ward (1971). Malinaw na malaki ang kontribusyon ng
mga Kastila sa linggwistiks sa Pilipinas dahil sa mga panimulang pag-aaral
na nagsilbing unang hakbang tungo sa siyentipikong pagsusuri ng mga wika
sa Pilipinas sa mga iskolar na sumunod sa kanila. Dagdag nito, ang kanilang
mga pag-aaral ay iniingatan ng kani-kanilang mga orden kaya ang karamihan
nito ay makikita pa hanggang ngayon, bagama’t nakamicrofilm o nakaarkibo
na o naka-exhibit na lamang sa Rare Books ang Manuscript Sections sa kanilang
aklatan o sa mga pambansang aklatan.