Ang kultura ay ang pangkabuuang pananaw
ng mga tao sa isang lipunan sa mundo at sa kanilang kapaligiran. Ang pananaw
na ito ay hango sa mga paniniwala, tradisyon, uri ng pamumuhay, at iba
pang mga bagay na nag-unay sa kanila at nagpapatibay sa bigkis ng pagkakaisa
na siyang nagpapalaganap sa kanilang pangkalahatang diwa, pananaw, kaugalian,
at adhikain. Ang bawat tao ay may kinabibilangang kultura na siyang kinalakhan
niya at nagtuturo sa kanya sa mga papel na dapat niyang gampanan sa lipunan
at kung paano niya ito maisagawa sa pamamaraang maituring na kanais-nais.
Higit sa lahat ang kulturang ito ang kanyang sandigan at gabay sa kanyang
paglalakbay tungo sa makabulohang buhay.
Ang kulturang ito ay nabibigyang anyo,
naipahayag, at naipasa sa ilang henerasyon sa pamamagitan ng wika. Habang
natutohan ng isang bata ang kanyang katutubong wika, unti-unti rin niyang
nakukuha ang kanyang kultura. Ang mga salita na napabilang sa leksikon
ng isang wika ay matinding indikasyon sa uri ng pamumuhay at pananaw sa
mundo sa mga nagsasalita nito. Halimbawa, ang bawat grupo ng mg tao ay
may kni-kanilang paraan at terminolohiya sa pagbibilang ng panahon: ang
mga magsasaka, sa pamamagitan ng mga araw o buwan ng pagtatanim at pag-ani;
ang mga pumapasok sa pabrika ay nagbibilang ng walong oras bawat araw at
naghihintay ng akinse ng bawat buwan; at ang mga mag-aaral naman ay nagbibilang
ng mga semestre sa pasukan at bakasyon.
Ang leksikon ng wika ay nagsasaad
rin sa mga bagay na pinapahalagahan sa mga nagsasalita nito. Halimbawa,
mapapansin natin na ang mga Pilipino ay may maraming terminolohiya para
sa ibat ibang anyo ng bigas—palay, bigas, kanin, lugaw, sinangag, puto,
suman, atbp. Maliban diyan, may iba’tibang klase pa tayo ng bigas tulad
ng malagkit, denorado, wagwag, atbp. Samantalang isa lamang ang terminolohiya
ng mga Amerikano sa bigas—rice. Kaya sila ay may rice grain,
steamed
rice, fried rice, atbp. Tayo naman ay walang salita para sa snow
ngunit
ang mga Eskimo ay may humigit kumulang sampung salita para dito.
Samakatuwid, ang wika ay ang nagbibigay
anyo sa diwa at saloobin ng isang kultura. Ito rin ang nag-uugnay sa mga
tao sa isang kultura, at sa pamamagitan nito ang kultura ay maiintindihan
at mapahalagahan maging sa mga taong hindi napaloob sa tinutukoy na kultura.
WIKA AT LIPUNAN: Sociolinguistics
Ang bawat lipunan ay may katutubong
wika. Ang bawat lipunan ay bumubuo ng isang speech community na
kinabibilangan ng mga tao na may iba’t-ibang social orientation batay
sa kanilang katayuan sa buhay, sa mga grupo na kanilang ginagalawan, sa
iba’t-ibang tungkulin na kanilang ginagampanan. Isa sa mga batayan sa baryasyon
ng wika ay ang pagkakaiba ng katangian ng mga grupo na napaloob sa istruktura
ng isang lipunan. Ang baryasyong ito ng wika ay tinatawag na sociolect
o social dialect.
Kaugnay dito, ang bawat tao sa lipunan
ay may sariling pamamaraan ng paggamit ng kanyang wika. Ito ay tinatawag
na ideolect. Ito ay bunga sa pamilya na kanyang pinanggalingan,
sa grupo na kanyang sinasamahan, sa lugar na kanyang kinaroroonan, at sa
mundo na kanyang ginagalawan.
Ang rehiyon na kinalalagyan ng isang
grupo ay isa ring dahilan ng baryasyon --halimbawa, may kaibhan ang punto
ng mga Tagalog sa Manila at ng mga Tagalog sa Batangas o sa Marinduque.
Gayun pa man, nagkakaintindihan pa rin sila. Ang Tagalog sa Manila, sa
Batangas at sa Marinduque ay rehiyonal na baryasyon ng wikang Tagalog.
Ang mga ito ay tinaguriang mga dialect ng Tagalog. Ang baryasyon
dito ay makikita sa punto, sa mga salita mismo, at sa pagkakabuo ng mga
prase o mga pangungusap.
Isa pang uri ng baryasyon ng wika
ay ang tinatawag na register. Ito ay may kaugnayan sa paggamit ng
estilong formal o informal, alinsunod sa paksang tinatalakay, sa mga nakikinig,
sa okasyon, at iba pa.
Ang sociolect, dialect, at register
ay mga uri ng baryasyon ng wika sa isang lipunan. Ito ang nagpapaliwang
sa iba’t-ibang anyo ng isang wika batay sa mga sumusunod: sa taong nagsasalita,
sa taong kinakausap o nakikinig, sa okasyon o sitwasyon, sa lugar, at sa
konteksto na ibig ipahiwatig. Ito ang tinatalakay sa sociolinguistics,
ang sanga ng linguistics na nag-aaral sa mga aspetong sosyal ng wika.
Sociolect.
Ang sociolect ay ang baryasyon ng
wika batay sa katayuan ng speaker sa lipunan o sa lupon na kanyang
kinabibilangan. Mahalagang pansinin na ito ay nakaugnay sa social grouping
na
makikita sa lipunan. Ito ay may kinalaman sa socioeconomic na katayuan
--mahirap o mayaman, walang pinag-aralan o propesyonal, manager o janitor,
kolehiyala o kriminal; sa kasarian (gender) -- babae lalaki, bakla; sa
gulang; sa grupong etniko -- Bisaya, Tagalog, Muslim, Tingguian, T’boli;
sa relihiyon, at iba pang salik sosyal na pinapahalagahan ng lipunan.
Bilang halimbawa, tingnan natin ang
bokabularyo ng mga bata ngayon na tiyak na hindi ginagamit ng mga matatanda:
yosi, dedma, promdi, sked, org, syota, tangengot, praning, sosi, bongacious.
At bakit nga ba na ang kubeta ay "c.r" sa mga estudyante at "powder room"
o "ladies’ lounge" para sa mga sosi? Ang damo ay pagkain ng baka, ngunit
sa mga adik ng druga ito ay marijuana. Ang pera ay maaring tawaging datung,
atik, o kwarta. Ang kasintahan naman ay syota o jowa.
Karamihan sa mga bokabularyo sa kabataan
na nakalista sa itaas ay tinatawag na slang. Ito ay nagsasaad ng
informal na baryason ng wika na may makabagong terminolohiya na binubuo
ng iilang grupo sa lipunan batay sa napagkasunduan nilang konteksto sa
paggamit nito. Kung minsan naman, sa halip na bumuo ng bagong salita, binabago
na lamang nila ang kahulugan ng mga ito: ube (kulay > P100 ); ulupong (ahas
> traydor); mongha (madre > babaeng bihirang lumalabas sa bahay). Ang slang
ay ginagamit bilang palatandaan kung kabilang sa grupo ang isang tao o
hindi. Ito ay nagpapahayag sa pagkamalikhain ng mga taong bumubuo nito.
Ang lengwahe na ginagamit ng mga bakla
(gay lingo) ay para sa kanilang grupo lamang. Wala silang intensiyong
ipagamit ito sa hindi nila kasama. Ito ay "sekretong lingo," o argot,
na
dapat hindi maiintindihan ng mga taga-labas. Ngunit ang iba nito ay nakakalabas
at ginagamit na rin sa "mainstream" --tulad ng bading, tsimay, tsugi, jeproks,
bagets, tsibug, chika, jowa, syota, eklat, at baboo.
Sa pag-aaral ni Camencita F. Montenegro
(1982) sa 200 estudyante sa Unibersidad ng Santo Tomas (19-24 taong gulang),
napatunayan niyang may pagkakaiba ang paggamit ng wika ng mga babae at
mga lalaki. Isa nito ay ang mas malimit na paggamit ng mga babae sa mga
hiram na salita at ng mga positibong adjective kay sa mga lalaki. Kalimitang
ginagamit ng mga babae ang hiram na salita sa akala nilang ito ay may prestige.
Ito ay nagpapakita na ang kasarian ay may kinalalaman sa paggamit ng wika.
Ang kakaibang lengwahe naman na ginagamit
ng mga doktor, syentipiko, at iba pang propesyonal o teknikal na grupo
kaugnay sa kanilang trabaho ay tinatawag na jargon. Ang tonsillectomy
ay
ang terminolohiya ng mga doktor sa pagtatanggal ng tonsil. Ang mga mahilig
naman sa kompyuter ay may sarili namang jargon, tulad ng: modem, ram, cd-rom,
software, prolog, byte, download, atbp.
Maraming baryasyon ng wika ang ginagamit
ng iba’t ibang grupo na napaloob sa lipunan. Gayunpaman, may tinaguriang
standard
na wika na siyang ginagamit sa pormal na pagsusulat, sa paaralan, sa mga
nakapag-aral, at sa mga pagtitipon. Dito rin ibinabatay ang baryasyon ng
wika. Halimbawa, ang Cebuano ay nagsasabing wa:a at ba:y ngunit
sinusulat ang mga ito na wala at balay na siyang tanggap
na standard lexicon.
Sa kabililang dako, may mga salita
namang ipinagbabawal. Kung minsan, ang mga ito ay maaring bigkasin ng mga
matatanda ngunit ipinagbawal sa mga bata, tulad ng mga salita na tumutukoy
sa sexual organs. Kung minsan naman, ito ay may kinalaman sa kasarian.
Halimbawa, may iilang grupong etniko
sa Pilipinas na nagbabawal sa mga babae pagtawag ng pangalan ng kanilang
ama, tiyohin, biyenang lalaki, at lolo. Kung minsan, ang mga ito ay may
kasagwaan sa pandinig ng mga tao sa lipunan at hindi ginagamit sa matinong
usapan. Kung kaya hinahanapan ito ng mas tanggap na kapalit. Ang prosesong
ito ay tinatawag nga euphemism. Kaya ang puta ay tinatawag
na babaeng mababa ang lipad o prosti sa kontemporaryong salita.
Marinig rin sa mga kabataan ngayon ang "jijingle muna ako" sa halip na
"iihi muna ako."
Ang sociolect ay isang mahusay na
palatandaan ng istratipikasyon ng isang lipunan, na siyang nagsasaad sa
pagkakaiba ng paggamit ng wika sa mga tao na napaloob nito batay sa kanilang
katayuan sa lipunan at sa mga grupo na kanilang kinabibilangan.
Dialect at ibang
baryasyon.
Ang dialect ay ang baryasyon ng wika
batay sa katangian nito na siyang karaniwang ginagamit sa mga tao ng isang
rehiyon o pook. Halimbawa, ang Tagalog ng Batangas, Marinduque, Metro Manila,
at Baler ay may pagkakaiba sa bigkas at sa iilang terminolohiya, gayun
pa man, nagkakaintindihan ang mga Tagalog na ito. Kung ang mga taga-Manila
naman ay manirahan ng matagal sa Mindanao, mag-iiba naman ang Tagalog nila.
Samakatuwid, ang mga ito ay tinatawag na dialect ng wikang Tagalog.
Ang dialect ay nabubuo kung ang mga
tagapagsalita ng isang wika ay magkahiwalay dahil sa lokasyon o sa sosyal
na mga dahilan at sa gayon ay wala na silang ugnayan. Ang wika ay nagbabago
at ang pagbabagong ito ay may sistema. Kung hindi maipasa ang anumang pagbabago
na naganap sa sentro o sa alinmang rehiyon sa isang grupo, malamang na
unti-unting maging iba ang pagsasalita ng grupong iyon.
Ang isang siyudad, probinsiya o rehiyon
ay maaring mabubuo ng mga tao na may iba’t-ibang wika. Halimbawa, sa Probinsya
ng Davao ay may Cebuano, Davaweño, Tagalog, Bagobo, Mamanwa, Manobo,
Mandaya, at Mansaka. Kailangan nila ng isang wikang pangkomunikasyon upang
silay magkaintindahan. Ang wikang ito ay tinagurian lingua franca.
Ang Cebuano ay ang lingua franca hindi lamang sa Davao, kung hindi sa buong
Mindanao at Visayas. Ilokano at Tagalog naman ang mga lingua franca sa
Luzon. Filipino ang lingua franca sa buong Pilipinas.
Noong pumunta ang mga Español
sa Lungsod ng Zamboanga, hindi nila naintindihan ang wika ng mga tao rito.
Hindi rin sila naintindihan ng mga Zamboangueño. Ngunit ang dayuhan
at ang katutubo ay kailangan ng wikang pangkomunikasyon. Natuto silang
ipaghalo ang Español at wikang katutubo. Sa puntong iyon, ang tawag
sa halu-halong wikang ginamit nila ay pidgin. Nang maglaon, nag-asawa
ang mga Español sa mga katutubo at ang pidgin na kanilang
ginamit ay ang sinasalita ng kanilang mga anak. Samakutuwid, native
language na ito ng isang grupo sa lipunang iyon. Kung ang pidgin ay
nagkakaroon na ng katututbong tagapagsalita, ito ay nagiging creole.
Ang
tawag sa Creole ng Zamboanga ay Chavacano; ganoon din sa Cavite at sa Ermita,
Manila.
Register
Bakit kay daling sabihing "Nasa probinsya
ang erpat at ermat ko" sa kaibigan mo. Ngunit kung guro mo ang kausap mo,
bigla itong maging "Nasa probinsiya ang tatay at nanay ko." At bakit kay
daling bigkasin ang mga salitang tsok, tsoys, ayskrim, sentens, at iba
pa ngunit bakit naging tisa, pagpipilian, sorbetes, at pangungusap ang
mga ito kung isulat? Napansin mo ba na iba ang tono ng pananalita mo kung
ikaw ay nakipaglokohan sa mga barkada mo at kung ikaw ay nagrereport sa
klase? May iba’t-ibang anyo ang wika batay sa uri at paksa ng talakayan,
sa mga tagapakinig o sa kinakausap, sa okasyon. Ang baryasyon na ito ay
tinatawag na register.
Isang uri ng register ay may kinalaman
sa pormal o di-pormal na pananalita. Pormal ang tono ng pananalita mo kung
ang kausap mo ay mas matanda sa iyo, may mataas na tungkulin kay sa iyo,
may kapangyarihan, o hindi mo masyadong kilala. Kalimitan, pormal din ang
wika na ginagamit sa pagsusulat at sa panitikan. Nanatiling pormal ang
wika sa simbahan, sa mga seremonyas, sa mga talumpati sa mahalagang pagdiriwang,
sa korte, at sa iba pang okasyon na kinabibilangan ng mga kagalang-galang
na mga tagapakinig. Register na di-pormal naman ang kalimitang ginagamit
sa mga okasyong dinadaluhan ng mga magkakaibigan, sa pag-uusap ng magkasing-edad
o magkasinghenerasyon, sa pagsulat ng komiks o liham sa isang kaibigan
o kapamilya.
Ang sociolinguistics ay ang
nag-uugnay sa wika at sa aspetong sosyal ng isang lipunan. Tinitingnan
dito kung bakit ginagamit ng isang tao ang ganong uri ng wika o baryasyon
ng wika kung siya ay nakikipag-usap sa isang tao sa isang okasyon. At bakit
naman umiiba ang modo ng pakikipag-usap niya kung umiiba ang mga kondisyon.
Pinapahiwatig rin nito ang uri sa taong nagsasalita -halimbawa, ano ang
kanyang trabaho, ano ang katayuan niya sa lipunan, saan siya nanggaling,
atbp. Samakatuwid, sa pamamagitan ng ating paggamit sa wika nakikilala
ang ating pagkatao, ang grupo na ating kinabibilangan, at ang mga papel
na ating ginagampan.