Si Cecilio Lopez ay ang pinakaunang linggwistang Pilipino. Natapos niya ang kanyang Ph.D sa Linggwistiks sa Unibersidad ng Hamburg noong 1928. Sinulat niya noong 1940 ang kanyang gramatika ng wikang Tagalog matapos iproklama ang Tagalog bilang batayang wika sa wikang pambansa. May mga humigit-kumulang 30 na pag-aaral ang naisagawa ni Lopez tungkol sa mga ponolohiya, morpolohiya, sintaks ng mga wika sa Pilipinas mula 1928 hanggang 1967. Tinalakay rin niya ang leksikon sa Tagalog at Malay at ang pangkalahatang katangian ng mga wika sa Pilipinas.
Isa pang kilalang linggwista sa Pilipinas ay si Ernesto Andres Constantino. May mga 11 na artikulo kanyang naisulat mula 1959 hanggang 1970. Isinulat niya noong 1964 ang "Sentence patterns of the ten major Philippine languages" na naghahambing sa istruktura ng mga pangngusap sa Tagalog, Waray, Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Tausug, Ilokano, Ibanag, Pangasinense, Kapampangan. Sa 1965 lumabas ang kanyang "The sentence patterns of twenty-six Philippine languages." Tinatalakay dito ang uri ng mga pangungusap batay sa mga istruktura na bumubuo nito at ang mga kaukulang transpormasyon. Ikinumpara rito ang mga major na wika at ang iilang maynor na wika tulad ng Abaknon, Bolinao, Botolan, Isinai, Itbayat, Itneg, Ivatan, Malaweg, Manobo, Sama Bangingi, Igorot, Tausug, Ternate, Tingguian, Ylianon, at Yogad.
Noong 1970 ay sinulat niya ang "Tagalog and other major languages of the Philippines" na naglalahad ng deskripsyon at ebalwasyon sa mga naisagawang pag-aaral sa linggwistika ng Pilipinas mula sa panahon ng mga Kastila hanggang 1970. Lumabas ang pre-publication na isyu ng kanyang English -Filipino Dictionary noong 1996 at noong 1997 naman ay lumabas ang Diskyonaryong Filipino-Ingles. Bukod nito nasulat rin niya ang sumusunod na mga bilinggwal na diksyonaryo sa Ingles at Ilocano, Aklanon, Bikol, Cebuano, Kapampangan, Kinaray-a, Pangasinan, Romblomanon, Sambal, Waray-waray, Tausug, at ang Comparative dictionary of Tagalog.
Si Consuelo J. Paz ay sumulat ng deskripson at ebalwasyon sa mga naunang pag-aaral sa humigit-kumulang 50 na maynor na wika sa Pilipinas, kabilang na nito ang Agta, Aklanon, Binukid, Dibabaon, Itbayat, Kankanay, Kalinga, Kinaray-a, Mansaka, Mamanwa, Manobo, Tagakaolo, Tagabili, Tausug,Yogad. Kasali rin ang Bagobo, Bontoc, Bilaan, Chavacano, Kuyunin, Dumagat, Gaddang, Ibanag, Ifugao, Ilongot, Isinay, Itawis, Ivatan, Magindanao, Maranao, Mangyan, Nabaloi, Sambal, Sangir, Subanon, Tiruray, Tagbanwa, at Yakan. Isa pang malaking ambag ni Paz sa linggwistika sa Pilipinas ay ang kanyang historikal na pag-aaral na pinamamagatang "A Reconstruction of Proto-Philippine Phonemes and Morphemes" (1981).
Si Fe Otanes ang katuwang na awtor ni Paul Schachter sa pagsulat ng gramatika ng wikang Tagalog (1972) na nakatulong sa maraming iskolar sa larangang ito. Sumulat din ng gramar sa Ivatan si Hidalgo at Hidalgo; si Barlaan sa Summer Institure of Linguistics (SIL) sa Isneg; si Bunye at Yap, Luzares at Rafael, Doroteo, at Trosdal sa Cebuano. Si Viray ay may ginawa ring komparatib na pag-aaral sa mga gitlapi sa mga wika sa Pilipinas
Si Teodoro Llamzon ay gumawa rin ng pag-aaral sa ponolohiya at sintaks ng Tagalog. Nalimbag ang dalawa niyang klasipikasyon sa mga wika sa Pilipinas (1966 at 1969). Maliban dito ay tinuonan din niya ng pansin ang debelopment ng pambansang wika at ang pagplano nito. May mga ilang artikulo din siyang naisulat tungkol sa pagtuturo ng wika.
Ang iilan sa mga iskolar na tumatalakay sa mga palisi at pagpaplano ng wika at sa wikang pambansa, bilinggwalismo at nasyonalismo ay sina Andrew B. Gonzalez, Bonifacio P. Sibayan, Pamela C. Constantino. Sina Ma. Lourdes Bautista, Emy Pascasio, Jonathan Malicsi, Zeus Salazar, Casilda Luzares ay nagbibigay pansin naman sa sosyolinggwistiks.
Sa larangan ng leksikograpiya, maraming Pilipinong iskolar ang namumukod. Isa na rito si Jose Villa Panganiban na sumulat ng mga diksyonaryong sumusunod: English-Tagalog vocabulary (1946), Talahulugang Tagalog-Ingles (1952-64), Tesauro diksiyonaryo Ingles-Pilipino (1965-66), Talahulugang Pilipino-Ingles (1966), Concise English-Tagalog dictionary (1969), Diksiyunaryong Pilipino-Ingles (1970), Diksyunaryo-tesauro Pilipino-Ingles (1972), Comparative semantics of synonyms and homonyms in Philippine languages (1972).
Si Julio Silverio ay gumawa ng mga diksyonaryo sa Ingles-Pilipino-Ilocano, Ingles-Pilipino-Pangasinan, Pampango-Pilipino-Ingles noong 1976; Pilipino-Pilipino, Bicolano-Pilipino-Ingles, Ingles-Pilipino-Bicolano noong 1980. Si Mario Tunglo ay gumawa ng trilinggwal na diksyonaryo sa Ingles-Pilipino at Ilocano, Bicolano, Cebuano, Ilongo, Maranao, Pampango, Pangasinan, Waray at ng bilinggwal Ingles-Pilipino, Pilipino-Ingles mula 1986 hanggang 1988.
Ang iba pang mga diksyonaryo na nagawa ng mga Pilipinong iskolar sa panahong ito ay ang mga sumusunod: Tagalog/Pilipino -Tagalog-Ingles o Ingles-Tagalog -Anacleto, Buhain, Daluz, Jacobo, Ignacio, Laya at Laya, de Leon, Mallari at Tablan, Aldave-Yap, Manalili, Macapinlac at de Dios; English-Tagalog-Spanish, de Guzman atbp, Ignacio; Kastila-Tagalog, Paglinawan; Nippongo-Pilipino, Verzosa; English-Tagalog-Ilokano -Calderon, Calip, Calip at Resurrection, Silverio, Dagdagan, Cacdac at Cacdac; Ingles-Español-Ilocano-Pangasinan, Garcia; English-Tagalog-Ilokano-Visayan, Dizon; Español-Ilocano -Pacifico; Cebuano -Bas, Bunye at Yap, Cabonce,Cuenco, Custodio, Makabenta; English-Visayan-Spanish, Gullas; English-Visayan-Tagalog, Hermosisima at Lopez, Rudifera, Guerrero, Jamolangue; Bikol -Belen, Imperial; Ingles-Bikol-Castila, Dato; Pampango-Castellano-Ingles -Dimalanta atbp; English-Tagalog-Pampango, Manalili at Tamayo; Hiligaynon-English -Maroma, Motus; English-Tboli-Pilipino-Hiligaynon, Gendulan; Waray-waray-Pilipino, Andrada; Subanu-Visayan-Spanish-English, Lagorra; Sindangan Subanon-Cebuano-Pilipino-English, Guilingan atbp; Matigsalug Manobo, Manuel; Bilaan, Macabenta; Gaddang -Calimag; Tausug, Usman; Chabacano-English-Spanish, Camins at Riego de Dios.
Ang listahang ito sa linggwistik na mga pag-aaral ay hindi kompleto. Gayun pa man, maaring naipakita sa pamamagitan nito ang mga debelopment sa pag-aaral ng mga wika sa Pilipinas mula sa panahon ng mga Kastila, sa rehimen ng mga Amerikano, at sa kontemporaryong panahon kung saan ang mga Pilipino mismo ang nag-aaral sa sarili nilang mga wika.