Ang wikang pambansa ay matagal nang naging isyu sa kapuluan ng Pilipinas na mayroong mahigit sa isangdaang etnolinggwistikong grupo. Ang usaping ito ay nagsimula noong 1908 pa kung kailan ipinasa ang panukalang batas na nagtakda sa pagtatag ng Institute of Philippine languages at ang pagsasanay sa mga guro sa gawaing ito. Tinanggihan ito sa Asembleya sa pamamagitan ng kanilang kinatawan na si Leon Ma. Guerrero na nagpahayag sa kanilang desisyon na wikang dayuhan, sa halip na katutubong wika, ang tugon sa pangangailan ng isang komon na wika sa Pilipinas.
Gayun pa man, iminungkahi ni G. Butte, ang ex-officio na Kalihim sa Instruksyong Pampubliko noong 1931, na gamitin ang bernakular bilang wikang pangturo sa mga antas I hanggang IV sa elementarya. Itinaguyod ito ni Representante Manuel V. Gallego sa kanyang pagpasa sa Panukalang Batas Bilang 588 na nagtakda sa wikang bernakular bilang wikang panturo sa elementarya at sekondarya sa lahat ng paaralang pampubliko.
Tinalakay ang isyu ng wikang pambansa sa Kombensyong Konstitusyonal noong 1935 at itinakda sa Seksyon 3 Artikulo XIII ang pagdebelop ng isang wikang komon batay sa mga sinasalitang wika sa Pilipinas. Tinatag ang National Language Institute noong Nobyembre 13, 1936 alinsunod sa Commonwealth Act Bilang 184 at inatasang gampanan ang isinasaad sa Sek. 3 Art XIII. Noong 1937 inirekomenda ng Institute ang Tagalog bilang wikang pambansa. Tinawag itong Pilipino ng Kagawaran ng Edukasyon noong 1959. Sa pasukan ng taong 1974-75, gradwal na ipinatupad ang paggamit ng Pilipino bilang wikang panturo sa mga sabjek na Rizal at Kasaysayan sa mga unibersidad at kolehyo. Inumpisahan ng Board of National Education noong Agosto 7, 1973 ang bilinggwal na programa sa edukasyon --ang paggamit sa bernakular sa Grade I at II, Pilipino sa Grade III at IV, at Pilipino at Ingles sa hayskul at kolehyo.
Itinakda sa Konstitusyon ng 1973 na itaguyod ng National Assembly ang pagdebelop at ang pormal na pagtanggap sa komon na wikang pambansa na tinaguriang Filipino. Itinakda rin sa Konstitusyon ng 1987 na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino; habang ito ay nililinang, dapat itong payamanin at palaguin batay sa mga wikang ginagamit sa Pilipinas.
Ano ba ang Filipino? Ito ba ay Pilipino o Tagalog? Ito "ang tinatawag naming lingguwa prangka o Filipino" (Constantino, 1966: 180), "ay isang wikang kompromiso," (Atienza, 1996), "ang kulturang popular na nagmula sa Metro Manila at pinalaganap sa buong kapuluan" (Flores, 1996), "ang English-Tagalog code switch (Cruz, 1997). Kapansin-pansin ang pagkakaisa ng mga pahayag na ang Filipino ay ang kasalukuyang lingua franca sa Metro Manila na lumalaganap sa mga sentro ng mga rehiyon sa pamamagitan ng radyo, telebisyon, diaryo, sa mga kanta ng mga lokal na rock band. Ginagamit na rin ito bilang wika sa akdemya.
May kaibhan ba ang Filipino sa Pilipino? Ipinahayag ni Dr. Ernesto Constantino ang kaibhan sa dalawa: (1) Mas marami ang tunog o ponema ng Filipino; (2) magkaiba ang ortograpiya nila; (3) maraming hiram na salitang Ingles ang Filipino; (4) iba ang gramatikal na konstruksyon sa Filipino.
Hindi maipagkaila ang kahalagahan ng linggwistiks sa pagdebelop ng wikang pambansa. Ang syentipikong pag-aaral ng mga wika sa Pilipinas ay mahalagang hakbang tungo sa isang komon na wika. Ang pagsusuri ng mga cognate set sa iba’t ibang wika ay magbibigay ng komon na leksikon. Ang paghahambing ng mga tunog ay magpapalawak ng saklaw sa ponolohiya. Ang pagsusuri ng mga morpema -mga salitang ugat at mga panlapi, sa iba’t ibang wika ay magpapaunlad at magpapayaman sa pambansang wika. Ang pagkukumpara sa sintaks ay maglalahad ng lalong akmang kabagayan sa mga konstruksyon na napaloob sa isang pangungusap At dahil ito ay katipunan ng mga wika, itataguyod ito ng mga etnolinggwistikong grupo. Yayabong at uunlad ang wikang pambansa sa pamamagitan ng linggwistiks.
Marami nang pag-aaral ang naisagawa sa linggwistiks sa Pilipinas mula 1898 hanggang 1998. Guyun pa man, marami pa ring pag-aaral ang dapat isagawa sa larangan ng morpolohiya, semantiks, sosyolinggwistiks, sikolinggwistiks, dayakronik o ebolusyon at pagbabago ng mga wika, at maging sa ugnayan ng wika at kultura. Kailangan rin ang komaparatib na pag-aaral upang maisulong ang wikang pambansa na maituring na talagang hango sa iba’t ibang wika sa Pilipinas.